2 NPA tumimbuwang sa bakbakan

Nalagasan ng dalawang miyembro ang New People’s Army (NPA) nang tumimbuwang ang mga ito sa pakikipagbakbakan sa pinagsamang puwersa ng pulisya at mga sundalo, Biyernes ng umaga sa bayan ng Bulan, Sorsogon.

Sa ngayon ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing mga rebelde matapos ang naganap na engkwentro sa Barangay Dolos sa nabatid na bayan.

Bukod sa dalawang bangkay ay nakakuha din ang awtoridad ng 5 mahahabang kalibre ng baril, mga bala at mga subersibong dokumento ng samahan.

Sa ulat na ipinadala ng Sorsogon Police Provincial Office (PPO), naganap ang engkwentro dakong alas-5:30 ng umaga matapos magsalubong ang landas ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde na nauwi sa halos 20-minutong palitan ng putok bago magkanya-kanyang takas ang mga rebelde at iwan ang dalawang bangkay ng kanilang mga kasamahan.

Sa ngayon ay patuloy ang hot pursuit operation ng militar at pulisya para sa mga tumakas na mga rebelde. (Edwin Balasa)