Todas ang isang construction worker habang malubha namang nasugatan ang kanyang kasama matapos silang makuryente sa poste ng Meralco sa Quezon City kahapon ng hatinggabi.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Capitol Medical Center ang 25-anyos na si Jeremiah Tecson, boom truck operator ng C&F Construction and Development Corporation na may tanggapan sa Governor Halili Avenue, Brgy. Bagbaguin, Sta. Maria, Bulacan.
Inoobserbahan naman ang kasama niyang si Aaron Bruña, 29-anyos.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-12:15 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa center island ng Quezon Avenue sakop ng Brgy. West Triangle.
Ayon kay Julie Dango, foreman ng nasabing kompanya, naglilipat ng poste ng kuryente ang mga biktima nang maganap ang insidente.
Aniya, may road widening project sa naturang lugar at sila ang naatasan na magtanggal at maglipat ng mga poste ng ilaw doon.
Habang naglilipat ng mga poste ay aksidente umanong tumama ang dulo ng boom truck na ino-operate ni Tecson sa isang high tension wire.
Hindi umano agad nakabitaw sa kambiyo ng crane si Tecson nang dumaloy ang kuryente sa mismong boom truck kaya’t nakuryente ito. Nadamay naman si Bruña dahil nakaalalay ito sa labas ng boom truck.