2 opisyal ng NPA, 1 pa bumulagta sa engkuwentro

Patay ang dalawang mataas­ na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at isa pa nilang kasama sa naganap na engkuwentro kontra sa pinagsanib na puwersa ng militar at Philippine National Police (PNP) na ikinasugat din ng dalawang pulis kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Kinilala ang nasawing opisyal ng CPP-NPA na sina Eleuterio Sadyaw Agmaliw, alyas Omeng/Yano/ Andre at Nick, kumander ng Kilusang Larangan Guerilla sa Sierra Madre, CLRC at Freddie Daileg, alyas Poldo, Deputy Secretary, LGP1, CLRC. Kasama ding napatay sa engkuwentro si Lucio Carbone, dating chairman ng AMBALA, isang grupo ng mga magsasaka sa ilalim ng Alyansang Magbubukid ng Gitnang Luzon.

Sugatan naman ang dalawang pulis na sina PCpl. Jophy Tagyamon Bu-ot at PCpl. Franz Carl Deciar Jumawan na agad isinugod sa Novaliches District Hospital na kalaunan ay inilipat sa Orthopedic Hospital sa Camp Crame.

Sa ulat na ipinadala ni Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Philippine Army, naganap ang engkuwentro alas-3:30 ng madaling-araw nang salakayin ng mga tauhan ng Army Intelligence Regiment, 7th Infantry Division kasama ang Joint Task Force NCR at PNP-NCRPO ang pinagtataguan ng mga biktima sa Princess Anne St., Queensland Subd., Damong Maliit, Novaliches, QC para sana isilbi ang warrant of arrest sa mga kasong murder, frustrated murder at rebellion sa mga suspek.

Sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga ito sa raiding­ team dahilan ng halos 30-minutong palitan ng putok hanggang sa mapatay ang tatlo.

Narekober sa mga napatay na suspek ang isang M16 rifle, isang kalibre .45, at isang kalibre .38 revolber, 2 granada, mga sangkap sa paggawa ng pampasabog, at ilang subersibong dokumento ng samahan.

Inaresto din ng pulisya sa nasabing operasyon sina Cherry Lou Carbonel, 22, live-in partner nito na si John Paul Mandi, 25, at Jocephine Carbonel, 51, na kasama ng mga napatay na suspek sa loob ng sinalakay na bahay. (Edwin Balasa/Dolly Cabreza)