Patay rin ang dala­wang lalaki habang na­damay at sugatan ang isa pa sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga hinihinalang mi­yembro pa rin ng death squad sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Da­niel dela Cruz, ng Interior V, Gen San Miguel Street, Barangay 4 at Michael Avendano, 39, ng Salmon Street, Barangay 8, pawang sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police, ala-1:30 ng madaling-araw habang nakatambay si Dela Cruz nang sumulpot ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo at pinaulanan ng bala ang biktima. Tumakbo ang sugatang biktima ngunit hinabol ito at muling pinagbabaril.

Natutulog naman sa pinapasadang pedicab si Marlou Oponlo na tinamaan ng ligaw na bala.

Alas-2:45 naman ng madaling-araw habang naglalakad si Avendano nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga salarin.

Agad tumakas ang mga suspek. Isinugod si Avendano sa pagamutan ngunit nasawi rin.