Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng walong katao mula sa dalawang pamilya makaraang makuryente sa magkasunod ngunit magkahiwalay na trahedyang naganap sa Batangas at Pangasinan habang kasagsagan ng pag-uulan nitong Lunes ng hapon at gabi.
Batay sa ulat ng Municipal Police Station ng Nasugbu, Batangas, pasado alas-singko ng hapon nang masawi ang mag-asawang Felix, 57, at Leonida Catapang, 46, at ang kanilang anak na si Jamaica, 13-anyos.
Nabatid na inaayos ng inang si Leonida ang bumagsak na kable ng kuryente mula sa poste sa kanilang bahay sa Sitio Kamalig, Brgy. Reparo, Nasugbu dahil sa malakas na hangin at ulan.
Subalit bigla na lamang nagkikisay ang ginang hanggang sa bumagsak.
Nasaksihan ito nina Felix at Jamaica at mabilis na sinaklolohan ang ina subalit hindi nila napansin ang live wire na nahawakan ng ginang kaya nakuryente din ang mag-ama.
Isinugod sila ng mga kaanak sa Apacible Memorial District Hospital sa Brgy. Lumabangan subalit hindi na umabot ng buhay dahil sa pagkasunog ng internal organ.
Pasado alas-otso ng gabi nang matagpuan naman ang limang miyembro ng isang pamilya matapos na makuryente din sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Bacundao East, Malasiqui, Pangasinan.
Kabilang sa mga nasawi ang mag-asawang Ariel at Rochelle Colarco, ang kanilang mga anak na si Gianne, nasa ikatlong antas sa elementarya, Michael at Henry.
Ayon kay Supt. Roland Sacyat, chief of police ng Malasiqui, natagpuan na lamang ang mga biktima na wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay.
May hawak pa umanong alambre ang inang si Rochelle nang matagpuan ito.
Hinala ng mga awtoridad na posibleng nagkakabit ang ginang ng sampayan sa loob ng kanilang bahay gamit ang alambre dahil sa maulan na panahon at wala itong mapagsampayan.
Dalawa sa mga bata ay nakitang katabi ni Rochelle at maaari umanong tinangkang hilahin ng mga ito ang kanilang ina. Nakita naman sa isang bahagi ng bahay ang bangkay ni Ariel at isa pang anak na hawak ang dulo ng alambre.
Nabatid mula sa mga awtoridad na nag-imbestiga sa insidente na posibleng sumabit ang alambre sa isang appliance na nakasaksak sa electrical outlet at mabilis na dumaloy ang malakas na boltahe ng kuryente na ikinamatay ng mga biktima.