2 pang biktima ng extra- judicial killing, natagpuan

Dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki na hinihinalang biktima ng extra-judicial killing ang natagpuan sa magkahiwalay na insidente sa Taguig at Parañaque City kahapon ng mada­ling-araw.

Ayon sa Taguig City Police, dakong alas-12:30 ng hatinggabi nang matagpuan ang bangkay ng unang biktima sa Nepelis St., Brgy. Sta. Ana ng naturang lungsod.

Nakabalot ng packaging tape ang mukha, kamay at paa nito at may iniwan pang karatula na nakasulat na “Pusher ako wag tularan”.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Bandang alas-3:30 naman ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng ikala­wang biktima sa Parañaque City.

Batay sa report, pinagbabaril ang biktima ng tatlong kalalakihan gamit ang caliber .45 revolver habang naglalakad.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives sa pinangyarihan ng krimen ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at ilang basyo ng bala ng caliber .45.