Nadagdagan pa ang mahabang listahan ng mga napapatay na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga matapos masawi ang dalawang hinihinalang drug pusher na sinasabing nanlaban sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang buy-bust operation, kahapon ng madaling-araw sa  Binondo, Maynila.

Inilarawan ni PO3 Marlon San Pedro, imbes­tigador ng Manila Police District-homicide ang mga suspek na kapwa nasa edad 35-40, may taas­ 5’5-5’6, ang isa ay nakasuot ng stripe na short pants, habang ang isa ay nakasando na kulay itim at ­maroon t-shirt, may hikaw sa kanang tenga.

Naganap umano ang insidente dakong ala-1:25 ng madaling-araw sa kahabaan ng Camba St. malapit sa Clavel St., Binondo, Maynila kung saan nagpanggap na poseur buyer si PO1 Glenn George Mendoza, kasama ang kanilang impormante at bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P500.

Nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang katransaksiyon  kaya­ na bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis at nang gumanti ang mga pulis ay tinamaan ang dalawang suspek.