Sugatan ang dalawang pulis-Maynila na kapwa nabaril ng mga aarestuhing drug pusher sa isinagawang Operation Tokhang sa magkahiwalay na lugar, kamakalawa ng gabi sa Maynila.
Nagpapagaling sa Manila Doctors Hospital, ang biktimang si PO1 Marc Viola, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Police Station 5, habang ang isa naman ay si PO2 Marco Moulic, nakatalaga sa MPD-Police Station 7, at nagpapagaling sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH).
Sinabi ni PSupt. Albert Barot, hepe ng MPD-Station 5, kasama sa operasyon si Viola dakong 7:30 ng gabi sa 14th Street, Port Area, Maynila nang ‘di kilalang lalaki ang bigla na lang umanong bumaril sa biktima gamit ang sumpak. Hinabol ng mga pulis ang suspek pero mabilis itong nakatakas.
Si Viola ay nagtamo ng tama ng sumpak sa kamay, habang si Moulic ay nagtamo ng tama ng sumpak sa braso at kapwa nasa maayos nang kondisyon.
Nabatid na si Moulic ay nabaril naman ni Solomon Hardinel nang habulin nito ang napatay na drug pusher na si Orlando Arcega sa drug operation sa Binondo, Maynila.
Si Arcega, Hardinel at dalawa pa nitong kasama na si Rogie Sebastian at Rolando Sandoval ay pawang nasawi sa naturang operasyong ginawa dakong alas-4:45 ng hapon sa may Delpan, Binondo, Maynila.