Inihalintulad ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa notoryosong karakter ni Padre Damaso sa nobelang Noli Me Tangere na sinulat ng pambansang bayani Gat Jose Rizal ang isang pari na nanakit ng bata sa Cebu at isa pang nangmolestiya sa Biliran City.

Hindi naitago ng Pa­ngulo ang pagkadismaya makaraang mabasa sa diyaryo ang reklamo laban sa isang pari sa Cebu na nambugbog umano ng anak ng kusinera nito dahil sa kabiguang pa­kainin ang alagang asong Labrador.
Hindi rin nakalampas ang paring Amerikano sa Biliran na inaresto ­dahil sa pangmomolestiya umano ng kanyang mga sakristan sa loob ng mahabang panahon.
Sinabi ng Pangulo na parang asal-Espanyol ang nabanggit na pari dahil sa ginawang kalupitan sa bata.

“Kita mo itong mga …. ito, para talagang mga Espanyol ang mga ugok. Hindi ako nakikipag-away pero ‘yung sitwasyon ng ating–hawak ng Simbahan,” anang Pangulo.

Si Padre Damaso ay isang notoryus na karakter sa librong Noli Me Tangere ni Rizal na nag­lalarawan sa isang malupit na paring Kastila.

Sinabi pa ng Pangulo na lahat aniya ng mga bansang hinawakan ng mga relihiyoso ay hindi umaangat dahil sa pakikialam ng mga ito.

“Basta makialam ‘yang relihiyon sa buhay ng mga sibilyan, wala na. Iyon ang gagamitin na parang platform nila. Sira talaga. Gubot,” dagdag pa ng Pa­ngulo. (Aileen Taliping)