Patay ang magkapatid matapos na matabunan ng lupa ang kanilang bahay habang natutulog ang mga ito Huwebes ng gabi sa Digos City, Davao Del Sur.

Kinilala ang magkapatid na biktima na sina Ronnel, 10, at Roxel Laguna, 14, kapwa residente ng Barangay Binaton ng nabatid na lungsod.

Base sa ulat ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), kasalukuyang nasa kahimbingan ng tulog ang magkapatid nang magkaroon ng landslide sa mataas na bahagi ng lupa kung saan nasa ilalim ang kabahayan ng mga ito.

Natabunan ang unahang bahagi ng bahay kung saan nakapuwesto at natutulog ang mga bata kamakalawa ng gabi.

Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang awtoridad subalit hindi na nila naisalba ang buhay ng magkapatid nang mahukay sa tumabong lupa.

Lumalabas na nagka-landslide sa lugar matapos ang ilang mahihinang lindol na sinundan ng malakas na ulan. (Edwin Balasa)