2 patay, kritikal sa pananambang

Nasawi ang isang pedicab driver habang kritikal ang isang empleyado sa magkahiwalay na pamamaril sa Makati at Pasay City kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot nang buhay sa Pasay City Ge­neral Hospital (PCGH) ang biktimang si Ricardo Careso, 37, pedicab dri­ver, ng 2976 Mahogany St., Barangay 145, Zone 16, Pasay City, na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Patuloy naman nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas na ‘Balong’.

Base sa isinumiteng report ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario, naganap ang insidente dakong alas-2:10 ng madaling-araw sa kahabaan ng Mahogany St., Brgy. 145, Zone 16, Pasay City.

Nagpapahinga ang biktima nang biglang dumating ang suspek at pinagbabaril nito ang una bago mabilis na tumakas.

Agad isinugod ang biktima ng misis nito sa naturang pagamutan, su­balit nasawi rin ito habang nilalapatan ng lunas.

Dakong alas-10:30 naman kamakalawa ng gabi nang barilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem ang biktimang si Gilbert Lopez, 41, isang kawani sa panulukan ng Bluboz at Commando Sts., Brgy. Rizal, Makati City.

Naglalakad umano ang biktima sa lugar nang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka lulan ang mga suspek. Isa rito ang bumunot ng baril at pinaputukan ng makailang beses si Lopez.

Mabilis naman na isinugod si Lopez ng mga bystanders sa pagamutan kung saan ito patuloy na nilalapatan ng lunas.