Dalawang buhay ang naglaho sa apat kataong sakay ng bumaligtad na pick-up, sa aksidenteng naganap pasado alas-dos ng hapon kamakalawa sa bayan ng Tuy Batangas.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Tuy Municipal Police Station, sakay ng kulay maroon na Mitsubishi Strada (DPS 721) ang mga biktimang sina Virgilio Ferrer y Capacia, 56, ng Brgy. Sabang, Tuy, Batangas, Salome Ferrer  y Ellao, 62, Ruperto Guevarra y Manalo, 54, at Derotea Guevarra y Politico, 53, pawang mga residente ng Brgy. Ka­pito, Lian Batangas.

Pagsapit umano sa national highway ng Brgy. Lumbangan ay nag-overtake ang sasakyan na minamaneho ni Virgilio ngunit nag-alangan ito sa kalkulasyon at nawalan ng kontrol sa manibela nang pi­lit nitong kinabig pabalik sa kanilang linya ang sasakyan.

Bunga nito’y sumadsad sila sa sementadong kalsada, bumangga sa pader ng Community MPC Holy Spirit Village, bago tuluyang bumaligtad na agad na ikinasawi nina Virgilio at Salome habang under observation naman sa Apacible District Memorial Hospital sa Nasugbu, Batangas ang dalawa pang biktima.