Kapwa nasawi ang isang babae at lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga hindi nakikilalang mga suspek sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), unang naging biktima si Irene Dulay y Rigor, nasa hustong gulang ng Lot 22, Doña Nicasio Avenue, corner Dumpsite, na pinasok sa loob ng kanyang bahay habang natutulog ng tatlo sa limang mga suspek at basta nalang pinagbabaril hanggang sa mapatay.
Nangyari ang krimen dakong alas-12:02 ng hatinggabi. Sa pahayag sa CIDU ng kinakasama ng biktima na si Adrian Frado, natutulog na sila nang magising siya dahil sa tawag ng kalikasan at magpunta sa kubeta.
Habang nasa kubeta, nakita umano ni Frado sa labas ng bahay ang limang suspek kaya’t ginising nito ang kanyang nanay para kausapin ang mga suspek kung ano ang pakay.
Subalit bigla nalang umanong binuksan ng tatlo sa mga suspek ang pinto at pumasok at pinagbabaril ng isa sa mga ito ang biktima habang natutulog.
Dakong alas-12:30 naman ng hatinggabi, pinagbabaril hanggang sa mapatay si Jhime Sumida y Honrubia, 19, binata, residente ng Lot 13, Purok 8, Pipit St., Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nakatayo ang biktima sa Purok 14, Block 11, Unit 5, nang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ang biktima bago tumakas.