Patay ang dalawang katao habang sugatan ang isang menor-de-edad matapos silang pagbabarilin ng mga ‘di kilalang armado sa magkahiwalay na pag-atake sa Zamboanga Peninsula.

Isa sa napatay na kinilalang si Reynaldo Pasaporte, 49-anyos, ay aktibong miyembro ng militia group na Civilian Active Auxiliary na sangkot umano sa iligal na droga sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Nagkakape lang umano si Pasaporte sa Poblacion ng Ipil nang lapitan ng isang lalaki saka siya binaril sa ulo at tumakas sakay ng asul na motorsiklo.

Dead on the spot ang biktima na kabilang sa drug list ng lokal na pulisya at nakuhanan din ito sa bulsa ng isang sachet ng shabu.

Asul na motorsiklo rin ang ginamit ng dalawang pumatay naman kay Dyxrel Beniga Sr., 39-anyos, sa Brgy. Imelda sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

Pauwi umano si Beniga sa inuupahan nitong kuwarto nang pagbabarilin pero hindi kaagad tinamaan at nakatakbo patungo sa kanyang silid.

Sinundan siya ng isang suspek at doon pinagbabaril. Nahagip naman ng bala ang kanyang anak na menor-de-edad pa ngunit ligtas na ito sa panganib.

Hindi pa mabatid ang motibo ng pamamaslang kay Beniga at hindi rin sinabi ng pulisya kung sabit ito sa droga.