DALAWA ang nasawi habang 10 katao ang nasugatan matapos magkasalpukan ang isang pampasaherong bus at kotse sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Cabangahan, Siaton, Negros Oriental, Huwebes nang hapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Roldan Pe­rez Macahusay, 52-an­yos, overseas Filipino worker (OFW), ng Sitio Looc, Brgy. Giliga-on, Siaton, Negros Oriental at Douglas Fajardo Sandoval, 74-anyos, ng Brgy. Giliga-on.

Sugatan naman ang sakay ng Nissan Almera sedan na si Roel Aurea Macabinguel, 42-anyos, ng Brgy. Giliga-on, Siaton at siyam pang pasahero ng Ceres bus kabilang ang driver na si Archie Miot Lope, 37-anyos ng Tugas, Tanjay City,
Negros Oriental at mga pasahero na sina Dennis Enovero Petras, Aiza Tayabas Ayawan, Susana Jandog Magsayo, Martina Kinkito Rusiana, Emeliano Petratores Filipinas, Emilyn Ranion Macalala, Judy Cabonada Egoc, Rolly Dagle Paculares, at Elene Ramos Sojor.

Batay sa imbestigasyon, patungong southbound mula Dumaguete City hanggang Ba­yawan City ang bus bandang alas-4:30 Huwebes ng hapon nang salpukin ng rumaragasang kotse na minamaneho ni Macahusay.

Idineklarang dead-on-arrival sa Lamberto Macias Memorial Hospital ang dalawa habang sumuko naman ang bus driver sa Siaton police.