2 pekeng pulis huli sa quarantine checkpoint sa QC

Arestado ang dalawang pekeng pulis sa quarantine checkpoint na inilatag ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Ronnie S Montejo ang mga nadakip na sina Henry B. Ysulat Jr., 29, residente ng No. 61Q Gen. Lucban St., Bagong Silangan at Joselito Luz, 54, family driver ng Brgy. West Crame, San Juan City.

Bandang alas-9:30 ng umaga (March 30), nang dumaan si Ysulat sa checkpoint sa boundary ng Payatas Road malapit sa Montalban/Rodriguez sakay ng magenta Mio Sporty motorcycle at nakasuot ng police General Office Attire (GOA) uniform.

Nagpakilala umano si Ysulat bilang police officer at nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG), subalit nang beripikahin ay wala itong naipakitang PNP identification at wala ring driver’s license.

Nang makapkapan ay nakumpiska sa kaniya ang caliber 9mm Pistol Browning Arms Company Morgan, Utah & Montreal with Serial No. 64523, 32 piraso ng mga bala, anim na bala ng cal. .45 na nakalagay sa firearm holster, isang baofeng handheld radio, ibat ibang identification cards na may pangalan niya, blue cellular phone, handcuff, brown vest na may “PULIS” markings at Yamaha Mio Sporty Motorcycle na may MV File no. 1301-00000836840.

Sinabi naman ng suspek na nakuha na ang mga nakumpiska sa kaniyang mga baril at bala, maging ang police uniform ay pag-aari ng kaniyang kamag-anak na retiradong pulis.

Nabatid na unang nadakip si Luz bandang alas-6:10 ng hapon (March 29), sakay ng kulay gray Suzuki APV (UOZ 147) nang dumaan sa checkpoint sa Batasan-San Mateo Rd. Brgy. Batasan.

Nakasuot ng police upper athletic shirt ang suspek at nagpakilalang pulis subalit nang hingan ng ID at lisensiya ay wala itong naipakita at sa halip ay ang traffic violation receipt ang ibinigay. Nang kapkapan ay nakuha sa kaniya ang shabu na nagkakahalaga ng P2,500

Ang mga suspek ay nakapiit na sa QCPD POlice Station 6 habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Art. 177 ng RPC (Usurpation of Authority), RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), RA 4136 (Land Transportation Code) at No. 3 Pursuant to Executive Proclamation Order No. 929 and 922 (S. 2020), RA 11332 at dagdag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kay Luz.

“Dahil sa existing Enhanced Community Quarantine akala siguro nila ay makakalusot sila sa mga checkpoints sa pamamagitan ng pagpanggap bilang mga pulis. Hindi nila alam na mas madadagdagan ang kanilang kaso kung sila ay mahuli. Kaya muli po tayong nananawagan sa ating mga kababayan na manatili na lamang po sa kanilang bahay upang maiwasan ang pagkalat ng nakakamatay na virus o ang COVID-19,” dagdag pa ng QCPD official. (Dolly B. Cabreza)