Kapwa nasawi ang isa umanong ‘adik’ at isang ‘tulak’ ng droga sa magkahiwalay na pamamaril sa Muntinlupa at Taguig City kahapon.

Base sa report ng Southern Police District (SPD), namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jason Navaroza, 22, binata, isang trolley boy, nakatira sa no. E84 Purok 8, Joaquin Compound, Brgy. Alabang, Muntinlupa City sanhi ng dalawang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa katawan nito.

Batay sa pahayag ng tiyahin ng biktima na si Flordeliza, sa mga awto­ridad, bandang ala-una ng madaling-araw habang siya ay nakahiga sa loob ng kanyang silid para ma­tulog nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa labas ng kanilang bahay.

Binalewala niya ang putok at tinuloy ang pagtulog, nang dumating ang kapatid ng biktima na si Jersam na siyang nakapansin sa duguang si Jason na wala nang buhay at nakaupo sa isang kahoy na upuan.

Kaagad nilang ipinagbigay alam ang insident­e sa pulisya at napag-a­laman sa barangay na adik umano ang biktima sa droga na minsan nang sumuko sa Oplan Tokhang.

Dakong alas-10:50 naman ng gabi nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang umano’y tulak na si Dexter Alva, ng suspek na nakilala lamang sa pangalang ‘Pepoy’ na naninirahan sa Galvez St., Brgy. Upper Bicutan, Taguig City.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek at posibleng onsehan sa droga ang motibo ng pamamaslang.

Sa record ng Taguig City Police, isa umanong “tulak” ang biktima na nasa kanilang drug watch list.

Sa ngayon ay patuloy pa rin na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa magkasunod na naganap na pamamaril na ikinasawi ng dalawang tao.