Naiwan na mag-isang Pilipinong lalaban ang eight-division world champion na si Manny Pacquaio matapos ang magkahiwalay na nakakadismayang pangyayari sa dalawa pa nitong kababayan na sina Jhack Tepora at Genesis Libranza na nakansela ang kanilang unang laban sa Estados Unidos.
Hindi nakapasa ang interim World Boxing Association Featherweight champ mula sa Cebu na si Tepora na lima at kalahating librang lampas sa division limit na 126 pounds. Ang kalaban nito na si Hugo Ruiz mula Mexico ay agad nakapasa sa timbang at mas mababa pa ng isang pound sa 125.
Dahil sa kabiguan na makapasa sa timbang ay hindi na makakasagupa si Tepora sa isa sa tampok na undercard ng laban ni Pacquiao sa MGM Grand Garden Arena. Agad na pinalitan si Tepora at posible itong bawian ng kanyang titulo bilang interim champ dahil sa hindi paglaban pati na din ang kanyang dapat na matanggap na premyo.
Kabaliktaran naman ang situwasyon sa kababayan nito na si flyweight Libranza ng Davao City na eksakto sa timbangan sa 115.5 pounds bagaman ang kanyang kalaban naman na si Carlos Buitrago ng Nicaragua ang lampas ng limang pounds sa napagkasunduan na limit na 116 pounds.
Dahil dito ay kanselado din ang laban ni Libranza.
Ang dalawa pang Pilipino na nasa card na sina welterweight Jayar Inson, na mula din sa Davao City at lightweight Rey Perez ng Santa Rosa, Laguna ay kapwa pasok sa timbang sa kanilang kategorya.