Buhay mayaman ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos mamakyaw ng laptop computer gamit ang nakaw na credit card.

Unang ginamit ni Manuel Roldan, 49, nagtatrabaho bilang waiter, ang nakaw na Bank of China Mastercard credit card na pag-aari ng isang Lam Chi-hau noong Marso 1, 2017, nang bumili ito ng laptop computer sa halagang HK$1,956 sa Cyber System Computer sa Wanchai.

Hindi nakuntento sa unang binili, isinama ni Roldan ang kaibgan na si Edward Reyes, 50, isang musician, at bumili ng laptop computer na nagkakahalaga ng HK$3,750 sa Wanchai Computer Center gamit ang nakaw na credit card.

Kasunod nito, bumili uli sila ng laptop sa Wise Computer Technology Co. sa Wanchai sa hala­gang HK$3,330 gamit ang nakaw na card.

Huli nilang ginamit ang card nang bumili ng bass guitar sa halagang HK$9,450 sa Tom Lee Music shop sa Gloucester Road.

Hindi naman nagtagal ang kanilang pagiging buhay mayaman nang maaresto sila noong nakaraang taon at ginamit na testigo ng prosekus­yon ang misis ni Roldan.

Humarap sila sa hea­ring ng Eastern Court noong Pebrero 14, 2018 dahil sa kasong theft at ‘obtaining property by deception’. Si Roldan ay nahaharap sa one count ng theft at apat na counts ng obtaining property by deception habang si Reyes ay may tatlong counts ng obtai­ning property by deception.

Sa hearing noong Pebrero 28 ng kasaluku­yang taon, ipinalipat ng prosekusyon ang kaso sa District Court.

Pinayagan naman ni Magistrate Bina Chainrai ang piyansa nina Roldan at Reyes subalit nagpataw ito ng karagdagang kondisyon upang masiguro ang pagdalo ng dalawa sa hearing.

Hindi pa malinaw kung umaaalay ang Philippine Consulate o ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kaso ng da­lawang Pinoy.