2 POWs palalayain ng NPA sa Mindanao

ZAMBOANGA CITY — Ipinag-utos na kahapon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagpapalaya sa dalawang parak na bihag ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Mindanao at kasabay ito ng pagpapakawala ng pamahalaang Duterte sa dalawang prisoners of war (POW) lider ng ­komunista na sina Wilma at Benito Tiamzon.

Nagmistulang prisoner swap ang naganap na utos ng NDFP sa paglaya nina Chief Inspector ­Arnold S. Ongachen at Police Officer 1 Michael B. Grande. Hiwalay na dinakip ang mga ito ng NPA sa kanilang operasyon sa magulong rehiyon.

Ayon kay Rubi Del Mundo, rebel spokesman, agad ipapasa sa pamahalaan ang dalawang bihag kung ipag-uutos ni Pangulong Duterte ang pagtiti­gil sa operasyon ng militar at pulisya laban sa kanila.

Nakatakda ngayong Agosto 22 ang peace talks sa pagitan ng mga komunista at pamahalaang Duterte sa Oslo, Norway.

Inamin rin nito na malaki ang naging papel sa paglaya ng mga bihag ang paglabas sa bilangguan ng mga Tiamzon upang makadalo sa peace talks kasama ang 20 iba na pinakawalan rin ng pamahalaan.