2 POWs pinalaya ng NPA sa Mindanao

ZAMBOANGA CITY — Pormal nang pinalaya kahapon ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang dalawang pulis na kanilang binihag nitong taon at ibi­nigay sa mga religious leaders sa Davao Oriental province.

Sinabi ng NPA, na sina Chief Inspector Arnold S. Ongachen at Police Officer 1 Michael B. Grande ay kinuha ng mga repre­sentatives ng Exodus of Justice and Peace sa pangunguna ni Reverend Jurie Jaime at ilang mga pulitiko.

Ayon kay Rubi Del Mundo, isang rebel spokesman, ay ipinag-utos ng National Democratic Front (NDF) ang pagpapalaya sa mga pulis na idineklarang prisoners of war (POWs). Nadakip ang mga ito sa hiwalay na operasyon ng NPA.

Isa umanong “gesture of goodwill” sa peace talks ang pagpapalaya sa kanila. Natapos ang peace negotiations kahapon sa Oslo, Norway kung saan ay pinagtibay ng mga rebelde at pamahalaan ang naturang pag-uusap.

“The People’s Democratic Government’s judicial proceedings and investigations into POW Ongachen and POW Grande’s possible war crimes and violation of people’s rights have been effectively suspended in deference to appeals of their families and peace advocates. POW Ongachen and POW Grande have apologized for their violations against the people,” ani Del Mundo.

Hiniling ngayon ni Del Mundo sa pamahalaang Duterte na agad palayain ang 540 political prisoner­s sa buong bansa.