2 preso nakatakas sa nagpamasaheng warden

Nagawang makatakas ng dalawang preso nang malansi nito ang kanilang jail guard na nagpamasahe sa dalawang iba pang inmate sa police custodial facility sa Calauan, Laguna Martes ng madaling-araw.

Ayon sa report ng Calauan Police, nakatakbo ang mga inmate na sina Noel Ibareta at Mark Spencer Mendoza matapos buksan ng jail guard na si PSSg Eric Pingol Yringan ang gate ng selda.

Si Ibareta, 41, ay may kasong murder samantalang ang 18-anyos na si Mendoza na taga-Calauan ay may kasong rape.

Batay sa imbestigasyon, inilabas ni Yringan ang mga inmate na sina Jaycyn Locredo at Melbert Roxas para magpamasahe dakong ala-1:30 ng madaling araw. Subalit nang ibabalik na ang dalawa sa selda, sinabayan ito ng labas ng dalawang suspek at tumakbo sa magkahiwalay na direksyon.

Sumama rin sa pagtakbo ang nagmasaheng si Roxas subalit naaresto rin ito kaagad sa hot pursuit operation. Tuluyan namang nakatakas ang dalawa na ngayon ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Sinibak naman sa pwesto ang jailguard at sinampahan na rin ng kaukulang kaso. (Ronilo Dagos)