2 preso sa Laguna, todas

Dalawang Person Under Police Custody (PUPC) ang magkasunod na nasawi dahil sa mga karamdaman sa Cabuyao City at Biñan sa Laguna noong Biyernes.

Kinilala ng Laguna police ang nasawi na si Jesus Miguel Castro, 37, salon owner, na isang linggo pa lamang nakakulong sa custodial facility ng Cabuyao PNP dahil sa kasong iligal na droga.

Napansin umano ng mga kapwa inmate nito na bumubula ang bibig at umuungol sa higaan ang biktima dakong ala-1:00 ng madaling-araw.

Agad itong isinugod sa Holy Rosary Hospital subalit binawian din ng buhay makalipas ang dalawang oras.

Ayon sa doktor, cardiopulmonary arrest o atake sa puso ang ikinamatay nito.

Samantala, nasawi naman sa Ospital ng Biñan ang inmate na si Reden Solomon, 47, bandang alas-6:00 ng umaga dahil sa stroke pneumonia, ayon sa doktor sa ospital.

Si Solomon na nakakulong sa Biñan Police station custodial facility ay 2-araw nang nakaratay sa nasabing hospital matapos makaranas ng mataas na lagnat at low blood pressure.

Base sa record, nakulong ito noong August 3, 2016 dahil sa kasong illegal drugs.

Kinuha na ng mga punerarya ang labi ng dalawa para sa cremation ng mga ito batay na rin sa protocol ng IATF dahil sa COVID-19. (Ronilo Dagos)