Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang dalawang pulis-Maynila sa aktong nagsasabong sa isang iligal na tupadahan sa Tondo kahapon ng hapon.
Nasa kustodiya ng CITF sa Camp Crame ang dalawang pulis na nakilalang sina PO2 Melchor Rawi at Emerson Prutas, pawang nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Station 1.
Naganap ang iligal na tupada dakong ala-una ng hapon sa isang bakanteng lote sa Balut, Tondo.
Nabatid na parehong nakasuot pa ng uniporme ang dalawang pulis nang damputin ng mga tauhan ng PNP-CITF.
Nakumpiska sa kanila ang mga baril, manok, tari at P15,000 na pantaya sa tupada.
Nadiskubre rin na ang dalawang pulis ay protektor umano ng iligal na tupada at matagal nang inirereklamo ng mga opisyal ng barangay dahil sa gulo na idinudulot nito sa kanilang lugar.
Sasampahan ng kasong administratibo at illegal cockfighting ang dalawang pulis na kapwa dinisarmahan.