Nasawi ang isang pulis at target na drug pusher, habang kritikal ang isa pang pulis-Maynila matapos na manlaban ang drug pusher na target sa isinagawang buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa San Miguel, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Ruiz, ng Manila Police District-Homicide Section, nakilala ang nasawi na si SPO2 Randy Marlon Lebrilla, 45, nakatalaga sa MPD-PS 8, at taga-Unit 6 Manhattan Hills, Brgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite; at ang drug pusher na si Codeng Macabato, alyas ‘Berdugo’, 23, taga-213 Matanos St., San Miguel, Maynila.

Inooperahan naman sa Mary Chiles Hospital si PO1 Mark Pineda, 28, nakatalaga sa MPD-PS 8, dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Naganap umano ang insidente alas-9:20 ng gabi sa bahay ni Macabato matapos ang buy-bust operation kung saan ay umakto umanong poseur buyer si Pineda.

Nang magbigay ito ng signal sa mga kasama­hang pulis na tapos na ang transaksiyon nakahalata si Macabato na pulis ang katransaksyon kaya binaril nito si Pineda na kaagad tinamaan sa dibdib.

Nakita umano ni Lebrilla ang nangyari dahilan para barilin si Macabato. Nang matapos ang putukan ay nakahandusay at duguan ang tatlo.