Patay ang target na drug pusher, habang sugatan ang dalawang pulis Maynila at isang babae sa isinagawang buy bust operation, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District-Homicide Section, kinilala ang nasawi na si Ricardo Gulapa, alyas ‘Julius’ Garcia, 51, at taga-975 Miguelin St. corner Florentino St., Sampaloc, Maynila na namatay noon din dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inoperahan naman sa University of Sto. Tomas Hospital, sina PO2 Ronald de Pacina na tinamaan ng bala sa kaliwang braso at PO3 Michael Carabeo, pawang operatiba ng MPD-Police Station 4 na nabaril sa tiyan ng suspek.

Samantalang sa Ospital ng Maynila naman ino­perahan ang isa pang suspek na si Myla Cruz, 45, kinakasama ni Gulapa dahil sa tama ng bala sa ibabang bahagi ng tiyan na binaril ng mga pulis matapos damputin ang isang baril ng kinakasama at tinangkang paputukan ang mga pulis.

Naaresto naman sina Jomar Garcia, 18; Ronnie Garcia, 48; at Gregorio Arce, 35, taga-986 Miguelin St., Sampaloc, Maynila, pawang kamag-anak ni Gulapa.

Sa imbestigasyon, alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng suspek matapos ikasa ni Police Senior Insp. Ariel Ilaganang ang isang buy-bust operation laban sa nasawing suspek.

Umakto umanong poseur buyer si PO1 Robert Guimong at matapos ang transaksiyon ay nagpakilala si Guimong na pulis pero sa halip na sumuko si Gulapa ay binunot nito ang baril na nakasukbi­t sa kanyang bewang at binaril ang grupo ng pulis dahilan para gumanti ang mga pulis.

“Nung papasok na kami sa bahay nila, bigla na lang natadyakan kami ng mga kasamahan nila. Nagkalaglagan kami sa hagdan. Dalawang pulis ko nakapasok. ‘Yun yung nagkaroon ng putukan sa loob,” ayon kay Ilagan.

Nang mapawi ang putukan, sugatan si De Pacina, Carabeo at si Cruz na kaagad isinugod sa pagamutan.