2 pulis, PDEA nagbarilan sa drug bust

Sugatan ang dalawang miyembro ng Eastern Police District (EPD) makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang ‘buy-bust’ operation sa Pasig City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni PDEA NCR Director Joel Plaza, ang dalawang pulis na sina PO2 Marlou Roldan, nakatalaga sa Pasig Police Community Precinct Station 9, at PO2 Mark Vista, ng District Special Operations Unit ng EPD.

Sa inisyal na report kay Plaza, ala-5:30 ng hapon (Pebrero 22) nang isagawa ang ‘buy-bust’ operation laban sa isang Raymond Ryan Cruz, 35, sa Brgy. San Joaquin Pasig City.

Pagdating sa lugar ng mga tauhan ng PDEA at habang isinasagawa ang pagbili ng droga ay ‘kumasa’ at nakipagbarilan umano ang dalawang pulis na kasama ni Cruz.

Nagpakilala na lang na pulis si Roldan nang masugatan ito sa putukan kaya mabilis na isinugod sa East Avenue Medical Center habang si Vista ay mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.

Pero natunton din si Vista na nagpapagamot sa Rizal Medical Center sa Pasig dahil sa tinamong bala.

Kinumpiska kay Roldan ang kanyang issued service firearm at dala nitong motorsiklo at nasamsam dito ang siyam na sachet ng shabu.

Nakuha naman sa target na si Cruz ang plastic pouch na naglalaman ng 430 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P2.9 milyon.

Tumanggi namang magsalita ang suspek kung papaano niya nakasama ang dalawang pulis.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng PDEA para mabatid ang kaugnayan ng dalawang pulis kay Cruz.