Dalawang drug pusher na armado ng baril at granada ang kapwa napatay makaraang manlaban sa operatiba ng Malolos City police sa buy-bust operation sa Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Base sa report ni P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Bulacan police director, nakilala ang mga napatay na suspek na sina Andrew Santiago y Sarmiento, alyas Pito, umano’y notorious shabu pusher na miyembro ng Santiago Brothers ng Barangay Caingin at Lynard Crisostomo ng Barangay San Gabriel, kapwa sa Malolos City.

Ang dalawang napatay na suspek ay kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kanilang katawan. Nakuha sa kanila ang walong pakete ng shabu, apat na pakete ng damo, isang improvised caliber 22 at mga bala, isang granada at pulang Rusi tricycle na walang plaka na kanilang ginagamit sa illegal na transaksyon.

Dakong alas 3:40 ng madaling araw nang maganap ang buy-bust operation sa Sitio Malanggam, Barangay Bulihan, Malolos City matapos magbenta ng shabu ang tulak na si Santiago sa poseur-buyer ngunit nakatunog ito na pulis ang kausap kaya bumunot ito ng baril at lumaban ng sabayan kaya napatay.

Bumaba naman ng traysikel ang kanyang kasamang si Crisostomo at tinangkang alisan ng pin ang granada upang ihagis sa pulisya ngunit kaagad siyang nabaril ng awtoridad kaya ito napatay habang lumilitaw na ang napatay na si Santiago ay sumuko na sa Oplan Tokhang ngunit bumalik sa ilegal na gawain.