Kapwa bangkay na bumulagta ang dalawang umano’y notorious na drug pusherssa isinagawang buy-bust operation sa Lungsod ng Quezon kamakalawa.

Sa report ni Chief Insp. Sandie Caparroso ng SDEU, nakilala ang nasa­wing suspek na si Virgilio Dormitorio alyas Ver Daga, 48, tubong Sorsogon at naninirahan sa No. 18-Area B. Group 9, Brgy. Payatas; at ang kasamahan nitong nakilala sa alyas na ‘Bukol’ nasa 30-35 ang edad.

Ayon sa report nangyari ang engkwentro dakong alas-3:30 ng hapon sa mismong bahay ng mga nasawing suspek matapos maglatag ng buy-bust ope­ration ang grupo ni Chief Insp. Caparroso laban sa dalawang suspek at isa sa mga pulis ang nagsilbing posuer buyer.

Matapos na magkaabutan ng pera at shabu ay nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang katransaksyon kaya agad pinaputukan ang mga ope­ratiba na mabilis naman nakaganti ng putok na naging dahilan ng pagbulagta ng dalawa.

Narekober ng mga ope­ratiba ng Scene of the Crime Operatives sa bahay ng mga suspek ang apat na piraso ng plastic sachet ng shabu, caliber .38, at isang caliber .45.