Sugatan ang dalawang motorcycle rider kabilang ang isang Metropo­litan Manila Development Authority (MMDA) road safety instructor nang salpukin ng 14-wheeler truck ang sinisilungan nilang machine shop sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ganap na alas-11:00 ng gabi nang maganap ang insidente. May kalakasan noon ang buhos ng ulan sa bahagi ng Mindanao Avenue ng nasabing lungsod kaya sumilong pansamantala sa Maunlad Machine Shop and Engine Rebuil­der ang mga biktimang sina William Esquerra at Ruben Estuaria Jr., MMDA Road Safety Instructor.

Ngunit ilang saglit lang ay biglang dumating ang humaharurot na 14-wheeler­ truck na may plate number ROT 805 at minamaneho ng driver na si Domingo Cayonte Jr. patungo sa kinaroroonan ng nabanggit na mga riders.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) sa loob ng machine shop, kitang-kita kung paano bumulusok papasok sa nakasaradong gate ng establisiyimento ang una­hang bahagi ng truck at sa lakas ng impact ay bumigay ang mga pundasyon ng gate pati ang bahagi ng pader kung saan naka­kabit ang CCTV camera.

Wasak ang harapang bahagi ng machine shop habang nagkasira-sira ang mga makina sa loob nito na nasa mahigit P2 milyong ang halaga.

Agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center ang mga biktima. Nagtamo ng pinsala sa kanyang balakang, hita hanggang binti si Esquerra matapos na mada­ganan ng kanyang motorsiklo nang salpukin ng truck, habang nagkasugat-sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Estuaria na mabilis umanong nakatalon kaya’t hindi napuruhan.

Depensa naman ng driver ng truck, hindi umano mabilis ang kanyang pagkakatakbo at nagkataon lamang na nang binabaybay niya ang nasa­bing kalsada ay biglang nag-U-turn ang isang SUV. Napag-ala­mang dati ng inirereklamo ng mga residente ang na­sabing U-turn slot dahil delikado ito.

Samantala, handa naman umanong maki­pag-areglo ang driver ng truck sa kanyang dalawang nabiktima maging sa may ari ng machine shop.