Dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan sa Barangay Tiring-Tabucan, Cabatuan, Iloilo.
Kinilala ang mga biktima na sina Jonathan Peñafiel, ng R. Mapa St., Mandurriao, Iloilo City; at Michael Malones, ng Barangay Magdalo, La Paz, Iloilo City.
Si Peñafiel ay nagtamo ng sugat ng pagkakabaril sa dibdib, balikat, likod, braso at may sugat din sa ulo.
Si Malones naman ay may sugat sa ilalim ng tainga, kanang kamay, braso, siko at dalawang sugat sa dibdib.
Ayon sa report, isang kulay gray na pick-up ang nakitang papatakas sa lugar matapos makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.