Dalawang drug personality ang kapwa nasawi makaraang maka-engkuwentro sa anti-illegal drug buy-bust ng mga pulis sa magkahiwalay na lugar sa Nueva Ecija nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ni P/Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City police, dakong alas-10:40 ng gabi nang isagawa ang buy-bust kay Edwin Labios Almerido, 54-anyos, sa may main road, Univille Subdivision, Brgy. Bangad, Cabanatuan City.
Ayon kay P/Chief Inspector Jaime Ferrer, nakatunog ang pusher na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya’t nagtangkang bumunot ng baril.
Sa bayan ng Talavera, napaslang din si Eddie Luna Esquivel, residente ng Brgy. Maestrang Kikay.
Ayon kay P/Supt. Joe Neil Rojo na ang napatay ay nakatalang number 3 sa drug watchlist ng naturang bayan.
Sa dalawang pangyayari ay nakakuha ng dalawang caliber .38 revolver at 13 sachet ng shabu. (Jojo de Guzman)