2 sasakyan sinuwag ng pick-up; 2 patay, 4 sugatan

Patay ang isang babaeng guro at ang driver ng tricycle na sinasakyan nito matapos masalpok ng isang pick-up sa Tayabas City Huwebes nang hapon.

Parehong idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang biktimang sina Josefita Premian Alega, 57, guro, at driver­ na si Jermy Manalo Lado, 69.
Sugatan din ang tatlo pang guro na sina Cassandra Quinto Tabi, 23; Shernan Naynes Pabruada, 33; at Ma. Lina Llorin Ayangco na mga sakay din ng tricycle.

Sa report ng Tayabas City police, alas-4:30 ng hapon, papauwi na sa city proper ang mga guro galing sa kanilang eskuwelahan sa Brgy. Potol, Tayabas City nang salpukin ang mga ito ng Mazda pick-up na minamaneho ng 63-anyos na si Samson Rivera Chang, ng Biñan City, Laguna.

Sa lakas ng pagkakabangga, bumaligtad ang tricycle at nakaladkad pa ng ilang metro dahilan para mapinsala ang mga sakay.

Ayon sa driver ng pick-up, pababa siya ng barangay road nang mawalan ng preno ang kanyang sasakyan sa intersection.

Nahagip din nito ang isang dumadaang motorsiklo na ikinasugat din ng driver nitong si Felix Pingol Salvan. (Ronilo Dagos)