Bagsak sa kulungan ang dalawang magkaibigan na nagpangap umanong mga volunteer matapos maaresto habang lasing na pagala-gala sa kalagitnaan ng curfew kasunod ng enhanced community quarantine sa Tanza, Cavite.

Kasong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, Disobedience to An Agent of Person in Authority at Unjust Vexation ang sinampa laban kina Joy Alegro, 34, at Diosa Allecoria, 40.

Sa ulat ni Pat John Paul Cruz ng Tanza Municipal Police Station, nagsasagawa ng pagro-ronda ang mga tauhan ng barangay nang mapansin ang dalawa na pasuray-suray umano na naglalakad, hindi nakasuot ng face mask at walang quarantine pass.

Sinita ang mga ito at ipinaalala ang umiiral na curfew pero nagalit ang dalawa at nagpakilalang mga ‘volunteer’ kaya ginabi.

Pero naamoy ang mga ito na tila nakainom kaya hinanapan ng ID na lalo nilang ikinagalit na humatong sa pagmumura na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at dito nalaman na galing ang dalawa sa inuman.

Nakakulong ang dalawa sa Tanza MunicIpal Police Station. (Gene Adsuara)