Isinilid muna sa kulay itim na trash bag bago itinapon sa harap ng isang paaralan ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na kapwa biktima ng summary execution at nilagyan ng mga karatulang “huwag tularan adik na holdaper at akyat bahay ako” at “huwag tularan pusher ako”, kahapon ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.

Inilarawan ni SPO2 John Charles Duran, imbestigador ng Manila Police District-homicide section (MPD-hs) ang isa sa shame victim na nasa edad 40-45, may taas na 5’2, nakasuot ng puting t-shirt at brown na short pants at may tattoo na “Cheska” sa kanang dibdib.

Habang ang isa pa ay nasa edad na 45-50, taas na 5’0, katamtamang pangangatawan, nakasuot ng asul na sando at itim na shorts at may tattoo sa katawan.

Kapwa nagtamo ang mga ito ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa harap ng Sta. Catalina College sa 660 Legarda St., Sampaloc, Maynila.

Nagsasagawa ng pagpapatrulya si Norito Peripenia isang Barangay ex-o ng 410 Zone 42 nang mapansin niya ang kulay itim na plastic at nang lapitan ay nakumpirma nito na mga tao ang laman ng dalawang trash bag kaya kaagad niya itong ini-report sa pulisya.

Nakuha sa unang biktima ang isang plastik na sachet na naglalaman ng shabu at may nakalagay na placard sa loob ng plastic na may nakasulat na “huwag tularan adik na hol­daper at akyat bahay ako”.

Samantalang nakuha naman sa bulsa ng isa pang biktima ang dala­wang sachet na naglalaman ng shabu at may nakalagay ring placard sa plastic na may nakasulat na “huwag tularan pusher ako”.

Kapwa dinala na sa Saint Rich Funeral ang mga ito para sa awtopsiya at safekeeping.