2 Sudanese nag-marijuana sa QC bar; kalaboso

Dinakma ng bouncer ang dalawang Sudanese nang mahuli ang mga ito sa aktong humihithit ng marijuana na tila naninigarilyo lamang sa loob ng isang bar sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD)-Station 10 commander Supt. Louise Benjie Tremor ang mga inaresto na sina Adamhassan Ibrahim, 26-anyos, at Osama Shalup, 25-anyos, na kapwa nanunuluyan sa D’University Place Condominium sa Leon Guinto St., Malate, Maynila.

Base sa ulat, naaresto ang dalawang dayuhan dakong alas-6:45 ng umaga sa Guilly’s Bar na matatagpuan sa Tomas Morato Avenue, malapit sa kanto ng Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle.

Ayon sa bouncer ng bar na nakilalang si Joseph Julian Jose, habang kumakain ang dalawang dayuhan ay naispatan niyang nagsindi ng nakarol­yong papel ang mga ito kaya nilapitan niya at doon naamoy na marijuana ang hinihithit ng mga ito.

Nagalit pa umano ang dalawang dayuhan nang sitahin sa kanilang ginagawa kaya dinampot niya ang mga ito saka itinawag sa himpilan ng pulisya.

Nakakulong sila ngayon sa QCPD-Station 10 at inihahanda na ng mga awtoridad ang kaso na isasampa laban sa kanila.