2 sundalo nilikida ng ASG, 2 bata nasapul

2 sundalo nilikida ng ASG, 2 bata nasapul

Patay ang dalawang tropa ng pamahalaan at isang 2-anyos na bata habang sugatan ang isa pa nitong kasamahan matapos ang naganap na pananambang ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) Lunes nang umaga sa Barangay Kagay, Talipao, Sulu.

Sadyang hindi pa ibinunyag ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing biktima na isang miyembro ng 2nd Special Force Battalion ng Philippine Army at isang Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) na nakatalaga din sa nabatid na army detachment.

Samantala patay din ang isang 2-anyos na batang lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala habang ang 11-anyos na kasama nito ay patuloy pa ring nasa kritikal na kondisyon.

Sa ulat na ipinadala ng Western Mindanao Command (Wesmincom) kahapon, naganap ang insidente alas-9:00 nang umaga sa kahabaan ng Patikul-Talipao Road sakop ng Brgy. Kagay sa bayan ng Talipao.

Lulan ng motorsiklo ang dalawang sundalo nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa batid na bilang ng mga mi­yembro ng Abu Sayyaf na agaran nilang ikinasawi.

Eksakto namang padaan sa lugar ng insidente ang dalawang bata na tinamaan ng ligaw na bala.

Mariin namang kinondena ni Major Gene­ral Corleto Vinluan Jr., commander ng joint task force Sulu ang pag-atake ng mga miyembro ng Abu Sayyaf kasabay ng kanyang panawagan sa mga Tausug community na ipagbigay alam sa awtoridad ang anumang impormasyon na may kinalaman sa mga nasabing terorista.

“We are deeply saddened by this very unfortunate incident that killed two of our valiant personnel and an innocent child,” saad ni Major General Corleto Vinluan, Jr. (Edwin Balasa)