Pinaigting ng mga awtoridad ang paghahanap sa dalawa pang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa 16-anyos na dalagita na binalatan ang mukha at tinanggalan pa ng dila, lalamunan at trachea, sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Col. Bernard Banac mas mahigpit na operasyon ang gagawin ng kanilang hanay kasama ang National Bureau of Investigation, kasunod ng pagkaaresto sa 17-anyos na person of interest noong Sabado na umamin sa partisipasyon nito sa krimen.
Kinumpirma rin ng pulisya na dating nobyo ng biktimang si Christine Silawan ang nadakip na binatilyo at umamin umano na selos ang motibo sa pagpatay kasama ang dalawang iba pa.
“The NBI 7 with the support of the PNP will now consolidate the findings of the investigation to file the murder case against the suspects and ensure the immediate solution of the case,” sabi ni Banac.
Nasa kostudiya na ng Department of Social Welfare ang menor de edad. (PNA)