Dalawang barangay tanod ang ina­resto ng mga awtoridad sa isinaga­wang entrapment operation matapos na ireklamo ng robbery extortion ng isang tindera sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Supt. Joselito T. Esquivel Jr., ang naarestong sina Ben Ripol at Rolando ­Ferrera, ­kapwa tanod ng Brgy. Commonwealth Hall, QC.

Sa report ni P/Supt. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station, alas-dos ng madaling-araw kahapon nang isagawa ang entrapment operation sa pamumuno ni PCI Sandie Capparoso sa Brgy. Commonwealth Hall.

Sa pahayag ng biktimang itinago sa pangalang Lily, isang tindera, dinala siya ng mga nasabing tanod sa barangay hall at unang hinihingan umano ng P50,000 para sa kanyang kalayaan hanggang ­ibaba sa P30,000.

Dahil hindi naman alam ng biktima kung ano ang nagawang paglabag ay tinawagan nito ang kapatid na siyang dumulog sa Batasan Police Station at ikinasa ang entrapment laban sa dalawang tanod.

Sa operasyon, nadiskubreng may 38 katao ang nakakulong sa ­barangay detention facility na sinasabing mga lumabag sa city ordinances at iba pang pagkakasala pero hindi sinampahan ng kaso.

Nabatid ng mga pulis sa mga nakakulong sa barangay hall na maging sila ay hiningan ng mga barangay personnel ng tig-P500 hanggang P1,000 para makalaya at sinasaktan pa ng mga ito. (Dolly Cabreza)