2 teenager nakorner sa droga

Nasa balag na ala­nganin ngayon ang dalawang binatilyo matapos umanong manggulo at mahulihan pa ng hinihinalang marijuana sa loob ng isang subdibisyon sa Las Piñas City nitong Linggo ng hapon.

Nasa kustodiya ng Las Piñas City Police at sabit sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Alarm and Scandal ang mga suspek na itinago sa pangalang Mike, 17, at Roy, 17, kapwa taga-Las Piñas City.

Batay sa ulat ni PEMS. Joachim TP Panopio, naganap ang insidente sa Sanggumay St., Doña Manuela Subdivision, Brgy. Pamplona 3, sa Las Piñas City, alas-kuwatro ng hapon.

Inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ang dalawa dahil sa panggugulo sa naturang lugar kaya inireklamo ng mga residente sa subdivision.

Minalas namang masamsam ang isang selyadong pakete na naglalaman ng hinihinalang marijuana na tumitimbang ng 1 gramo at nagkakahalaga ng P100 mula kay Mike.

Sumasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon ang dalawang binatilyo. (Armida Rico)