Nais ng mga kaanak ng dalawang mga menor-de-edad na umano’y saksi sa pamamaslang ng mga pulis-Caloocan kay Kian Loyd delos Santos na ipaubaya na lamang sa Public Attorney’s Office ang kustodiya ng mga ito kahapon ng hapon.
Sa ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ni Senadora Risa Hontiveros ang dalawang menor de edad at isang 31-anyos na mga kababaihang nakasaksi sa nangyaring pagpatay umano nina PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz, PO3 Arnel Oares kay Kian.
Nagreklamo ang ina ng isa sa mga menor edad na testigo dahil bigla na lamang umanong kinuha ng senadora ang kanyang anak. Hindi man lamang umano siya hiningan ng pahintulot ng senadora at hindi nagpaalam na ilalagay sa kanyang kustodiya ang anak.
Ayon pa sa ina ng batang testigo, pinapunta umano mga tauhan ng senadora ang kapatid ng kanyang anak sa isang fast food chain at may pinapirmahan sa kanyang ready-made na Kasunduan ng Pagtatanggol at Pagbibigay Katungkulan Bilang Abogado. Wala na rin umano silang nagawa kundi pumirma.
Kaugnay nito, hiling nilang ibalik na lamang sa kanila ang bata at kung hindi naman umano ay ibigay na lamang sa kostudya ng PAO.
Itinuturing ng pamilya ng testigo na foul ang ginawang pagkuha sa kanilang anak nang walang paalam.
Samantala, nagsagawa ng misa kahapon ng umaga sa bahay ni Kian kung saan dumalo ang mga kaibigan, kaklase, kapitbahay at iba’t ibang grupong sumusuporta.
Sinundan naman ng pagtatali ng white ribbon at sinabayan ng noise barrage at candle-lighting protest sa Sta. Quiteria, Bagong Silang, Monumento Circle.
Nagtirik din ng kandila at nag-alay ng bulaklak ang grupong Migrante sa lugar kung saan mismo napaslang ng mga pulis si Kian.
Ayon pa sa grupo, nakikidalamhati ang lahat ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa pamilyang Delos Santos lalo na sa ina ni Kian na si Lorenzana na isang domestic worker sa Riyadh.