Dalawa na namang umano’y karnaper ang todas sa mga operatiba ng Quezon City Police District matapos umanong manlaban nang salakayin ang hideout ng mga ito sa lungsod, nitong Huwebes nang gabi.
Ayon kay Quezon City Police District Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang dalawang hindi pa nakilalang karnaper ay nasa edad 30-35, may taas na 5’3 at 5’4, may mga tattoo sa katawan at nakaitim na t-shirt at gray short pants.
Una dito, nagreklamo si Eduardo Bernal na tinangay umano ang kanyang Yamaha MIO motorcycle sa Broadway Avenue ng tatlong armadong kalalakihan dakong alas-11:30 nang gabi.
Agad namang bumuo ng team ang pinagsanib na operatiba ng Anti-Carnapping Unit.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin Masangkay, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, natimbrihan ang mga awtoridad na ang mga suspek ay nagha-hideout sa No. 24 Flores St., corner Mine St., Brgy.
Vasra, at doon isinasagawa ang pagbebenta ng mga ninanakaw na motorsiklo kaya nagkasa ng operasyon laban sa umano’y karnaper.
Isang pulis ang tumayong buyer ng nakaw na motorsiklo subalit nang makahalata ang mga suspek na awtoridad ang kanilang kaharap ay mabilis na bumunot ang mga ito ng baril at pinaputukan ang buyer subalit alerto naman itong nakaiwas.
Dahil dito ay naglabasan na sa kanilang pinagtataguan ang mga kasamang pulis ng tumayong buyer at doon ay nagkabarilan na hanggang sa bumulagta ang mga suspek. ()