Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawa sa 445 Pilipino na naka-quarantine sa New Clark City sa Tarlac na galing sa Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan.
Nabatid sa press briefing ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeiri na asymptomatic o walang palatandaan na may sakit ang dalawang Pinoy nang iuwi mula sa Japan at kahapon, Martes, lamang nakumpirma na positibo ang mga ito sa COVID-19.
Tinawag na Patient 25 at 26 ang dalawang Pinoy na nagpositibo sa virus na edad 31 at 34.
Bukod sa dalawa ay wala nang iba pang nagpositibo sa mga naka-quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City na binansagang ‘kaldero’ ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Matatandaang isinailalim sa 14 araw mandatory quarantine sa Athletes’ Village ang 445 Pinoy na galing sa Diamond Princess bilang bahagi ng precautionary measure para sa mga taong galing sa mga bansang may COVID-19 outbreak.
Magsasagawa naman ng seremonya bago pauwiin sa kanilang pamilya ang mga sumailalim sa quarantine pero sinabi ni Vergeiri na ito ay confidential at hindi papayagang i-cover ng media. (Juliet de Loza-Cudia)