2 Tinedyer na holdaper niratrat sa malabon

Dalawang binatil­yo na sangkot umano sa serye ng panghoholdap gayundin sa pagnanakaw ang pinagbabaril sa Malabon City kahapon ng ­madaling-araw.

Sa ulat ni Malabon City Police chief Sr. Supt. Jessie Tamayao, kinilala ang nasawi na si Rodel Manlapaz, taga-Brgy. Tonsuya, Malabon habang isinugod naman sa Tondo Medical Center ang 14-anyos dahil sa malubhang mga tama ng bala sa katawan nito.

Naglalakad umano ang mga biktima sa kahabaan ng P. Aquino St., Brgy. Longos, Ma­labon nang salubungin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek at pinagbabaril.

Mabilis din na umeskapo ang mga suspek matapos ang ginawang pamamaril sa dalawang tinedyer.

Samantala, kahit sugatan, nagawa pa umanong makatakbo ng mga biktima hanggang sa nadaanan nilang nagpapahangin sa labas ng bahay ang isang George Fernandez na agad naman silang sinaklolohan.

Naisugod pa sa Tondo Medical Center ang mga biktima pero hindi na naisalba pa ang buhay ni Manlapaz habang patuloy pa rin umanong nilalapatan ng lunas ang 14-anyos.

Napag-alaman sa pulisya na sangkot umano ang dala­wang biktima sa serye ng robbery snatching at pagnanakaw sa mga bahay sa Brgy. Longos at maging sa mga kalapit pang barangay.

Dati na rin umanong nasakote ang dalawa pero nagawang makatakas sa Bahay Sandigan Youth Center.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy ang mga suspek.