2 tinodas ng vigilante

Nakahandusay at wala ng buhay si Ramer Fajardo at Ramon Mesa matapos pagbabarilin sa ulo ng mga hinihinalang miyembro ng vigilante group loob ng kanilang bahay sa Nenada St., Brgy. Commonwealth sa Quezon City, alas-9:00 ng gabi nitong Lunes ng gabi. (Photo by Paez Lopez)

Parehong sabog ang ulo dahil sa tama ng bala ng baril ang dalawang biktima ng vigilante killings sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon ng gabi,

Nakasuot ng kulay itim na t-shirt, mga nakamaskara at armado ng baril ang apat na miyembro ng vigilante groups na sumugod sa mga biktimang nakilalang sina Manuel Fajardo y Hipolla, 34, single, tubong Cagayan De Oro City at Ramon Mesa y Banday, 39, fish vendor, tubong Romblon, kapwa naninirahan sa No. 4938-Lower Bayanihan St. sa Brgy. Commonwealth.

Ayon kay SPO1 Jurly Gabo ng Quezon City Police District (QCPD) Stn.6, sinabi ng saksing si Vergelyn Valenzona, 41, live-in partner ng biktima na si Fajardo, dakong alas-9:00 ng gabi nang mangyari ang pamamaslang.

Unang pinagbabaril sa ulo si Fajardo bago isinunod na binaril din sa ulo ang biktimang si Mesa.

“Inutusan siya (Fajardo) ng mga suspek na dumapa saka siya pinagbabaril sa ulo,” ani SPO1 Gabo.

Nang matiyak umano ng mga suspek na patay na si Fajardo, saka naman sinunod na pinagbabaril din sa ulo ang biktimang si Mesa na nasa kabilang kuwarto.

Blangko pa ang Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ng QCPD kung ano ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.