Tigok ang dalawang lalaki habang sugatan ang isang binata matapos ang karambola ng apat na sasakyan sa Brgy. Poblacion, Binalonan, Pangasinan noong Sabado nang umaga.

Kinilala ni Binalonan Police Station-Tactical Operation Center (BPS-TOC) officer P/Sgt. Genalyn Valdez ang nasawing sina Domingo Valdevisio, 61-anyos, bicycle driver at Villa­mor Nagtalod, 53, tricycle driver.

Nasugatan naman si Jonel Nagtalod, kamag-anak ni Villamor, ng Canarvacanan sa nasabi ding bayan.

Sa inisyal na report, nangyari ang insidente bandang alas-nuwebe nang umaga sa Tavera St., Brgy. Poblacion nang mawalan umano ng preno ang isang Hilux pick-up na minamaneho ni Christopher Tomboc, 37.

Binangga nila ang kasunod na mini-truck ni Arman, Bankado, 27, na sumalpok sa asul na kotse na minamaneho ni Ianne Harveye Rhed Calaguin, 24, at sinuwag ang mga sasakyan nina Domingo at Villamor.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang dalawang biktima ng ilang metro at tumama ang kanilang katawan at ulo sa semento. (Allan Bergonia)