2 todas sa pagkakuryente sa Quezon

Isang babae at isang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente ng pagkakuryente sa Quezon kamakalawa.

Batay sa ulat ng Quezon Police, nasawi si Herminia Cumahig Briones, 62-anyos, residente ng Brgy. Pahinga Norte, Candelaria.

Itinatali umano nito ang alagang aso sa isang bakal na poste sa tabi ng kaniyang bahay nang bigla na lamang itong mangisay.

Nagtamo ito ng mga paso sa kamay at nasawi noon din dahil sa malakas na boltahe na pumasok sa katawan.

Sa bayan naman ng Infanta, namatay din ang 33-anyos na si Edvin Sales Java nang ito ay makuryente habang nagpuputol ng sanga ng kahoy sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Abiawin.

Ayon sa misis nito, umakyat umano ito sa puno at pinuputol ang sanga na nagkataong nakadikit sa live wire ng koryente.

Nasawi noon din ang biktima na hindi nagawang makaalis sa itaas ng puno. (Ronilo Dagos)