Patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo matapos masagi ng isang van sa Gumaca, Quezon kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Armando Andal Arandela, 38; at Conrado Gajo Nullan, 42, kapwa residente ng Barangay Bamban, Gumaca.
Batay sa report, bandang alas-4:30 ng masagi ang motorsiklo ng mga biktima ng isang nag-overtake na Nissan Urvan na minamaneho ni Richmon Carpio dahilan upang ito’y sumemplang sa Maharlika highway, Brgy. Panikihan.
Nagtamo ng mga grabeng pinsala sa katawan ang mga biktima at naisugod pa sa ospital subalit ideneklarang dead-on-arrival ng mga doktor.
Arestado ang driver ng van na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide.