Nailigtas ng Philippine Navy ang dalawang crew ng isang tugboat matapos itong masiraan sa karagatan at sumadsad sa coral bed sa Zamboanga City.

Nakilala ang mga sinagip na sina Paterno dela Rosa at Roberto Santiago sa karagatan halos dalawang milya ang layo sa Barangay Manicahan.

Miyerkules ng hapon nang makatanggap ang Philippine Navy ng radio call mula sa T/B Zamboanga Sun.

Mabilis namang nagpadala ng multi-purpose vessel ang Naval Forces Western Mindanao at nasagip ang dalawa. Maging ang kanilang tugboat ay nadala rin sa pier sa Zamboanga City.

Nagpasalamat naman sina Dela Rosa at Santiago sa mabilis na aksyon ng Philippine Navy.