Kamatayan ang kinahantungan ng dalawang tulak ng iligal na droga nang paputukan ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit na kanilang nakatransaksyon sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation sa Bulacan.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing suspek na sina Apple dela Rosa, tricycle driver ng Brgy. Borol 1st, Balagtas at Lamberto de Guzman ng Brgy. Banga 2nd, Plaridel.

Dakong alas-12:15 ng hatinggabi nang magpalitan ng putok ang pulisya at si Dela Rosa sa Brgy. Longos matapos ang bentahan ng shabu na nagresulta sa kamatayan ng suspek. Narekober sa kanya ang anim na pakete ng shabu, caliber 38 revolver, buy-bust money, pulang traysikel na walang plaka at isang cellphone.

Samantala, alas-dos ng madaling-araw kahapon din nang magkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga awtoridad at ni De Guzman matapos ang bentahan ng droga sa Brgy. Longos, Pulilan kaya napatay ito at makuha sa kanyang pag-iingat ang anim na pakete ng shabu, caliber 38 revolver, cellphone at buy-bust money.